KAHIT MAGLUPASAY SI SERENO
MASASABING isang “poetic justice” ang kinahantungan ng quo warranto petition laban kay Maria Lourdes Sereno.
Maraming naniniwala na hindi siya dapat naluklok bilang Supreme Court Chief Justice dahil pilit lamang pinatalsik ng panotsa sa Palasyo si dating CJ Renato Corona. Pinaboran kasi noon ng SC ang pagpapatupad ng agrarian reform at land distribution sa Hacienda Luisita na pag-aari ng mga ganid na Cojuangco.
Nabahiran pa ang Senado dahil nasuhulan ng dagdag-pork barrel ang mga senador na bumotong patalsikin si Corona.
Kahit maglupasay pa si Sereno sa Padre Faura St. kasama ang mga bayarang dilawan, dedma na ang Supreme Court sa kaso niya. Sa pinagtibay na 8-6 boto, dineklara ng SC na pinal na ang desisyon na ibinaba nito noong nakaraang Mayo 11 na sibak na siya.
Sa madaling salita “history” na si Sereno bilang SC Chief Justice. Lumitaw na isa siyang “hawshaw” dahil unang-una’y hindi pala siya kwalipikado sa kabiguan niyang magsumite ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth sa loob ng ilang taon.
Saan ka ba naman nakakita na ang Punong-Mahistrado ay hindi nagdedeklara ng kanyang ari-arian dahil lang sa malakas siya sa dating panotsa sa Palasyo. Ayaw magbukas ng ari-arian tapos ayaw magpasibak, ‘di puwede yan!
Paano mo pagtitiwalaan ang Korte Suprema kung ang pinuno nito ay mukhang may itinatagong yaman?
Kaya ngayon ay pipili si Pangulong Duterte ng isang Chief Justice na kwalipikado at mapagkakatiwalaan ng taumbayan. Sana ito’y maging parehas at hindi hahaluan ng pulitika ang pamamalakad sa mataas na hukuman. ‘Di pulahan at, higit diyan, ‘di dilawan.
Salamat at unti-unting naaayos ang kalakaran sa pamahalaanang para sa tunay na pagbabago!!!
***