AYUNGIN INCIDENT BINUKSAN NI PRRD SA ASEAN-CHINA SUMMIT

AYUNGIN INCIDENT BINUKSAN NI PRRD SA ASEAN-CHINA SUMMIT

November 26, 2021 @ 3:47 PM 2 months ago


HINDI nagpatumpik-tumpik si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagpapahayag ng hinaing patungkol sa hindi kanais-nais na kaganapang nangyari kamakailan sa Ayungin Shoal sa harap ng mga pinuno at kinatawan ng iba’t ibang nasyong nakibahagi sa ASEAN-China Summit.

Matatandaang naibalita nitong mga nakalipas na araw ang pagharang at pagbubuga ng tubig ng Chinese Coast Guard sa dalawang supply boats ng Pilipinas patungong Ayungin Shoal.

Tunay na hindi maganda ang pangyayaring ito kaya’t siniguro ni Pangulong Duterte na matatalakay ito sa kanyang pahayag sa nasabing summit kung saan kasali ang bansang China.

Bagama’t prayoridad pa rin ng ating pamahalaan na maayos ang suliraning ito sa maayos at mapayapang paraan, ang pagpapahayag ng hindi pagtanggap sa kaganapang ito ay patunay lamang na talagang handang lumaban ang bansa sa ganung uri ng pagtrato mula sa ibang nasyon.

Hindi madali ang ginawang ito ni Pangulong Duterte ngunit ang pagmamalasakit nito sa ating kasundaluhan ang maaaring siyang nagtulak upang bigyang pansin ang insidente sa ganong makabuluhang pagpupulong.

Ngayon, may makapagsasabi pa bang tuta ng China ang Pangulo at ang administrasyong ito gayong nakikita naman na hindi nababalewala ang mga ganitong uri ng sigalot kahit pa malaki at makapangyarihang bansa ang ating binabangga?

Ipinakikita lang sa pagkakataong ito na maingat ang Pangulo sa kanyang mga pahayag ngunit kailanma’y hindi nito binabalewala ang ganitong kahalintulad na insidenteng nangyayari sa bansa.

Magtiwala lamang tayo kay Pangulong Duterte. Alam niya ang kanyang ginagawa at ang kapakanan ng bansa ang lagi niyang isinasaalang-alang.