35K Maynilad customer na hagip ni Paeng, may P50 rebate

35K Maynilad customer na hagip ni Paeng, may P50 rebate

November 9, 2022 @ 7:52 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Makatatanggap ng humigit-kumulang P50 na rebate sa kanilang December bill ang nasa 35,000 customer ng West zone concessionaire, Maynilad Water Services Inc., na tinamaan ng baha na dala ng Severe Tropical Storm Paeng.

Sinabi ng water distributor na naglaan ito ng P1.7 milyon para sa bill rebate assistance program, na sasakupin ang average na halaga ng two-cubic meter consumption ng Paeng-affected customers sa mga bahagi ng Muntinlupa at Pasay sa Metro Manila; at Bacoor, Imus, Kawit, at Noveleta sa lalawigan ng Cavite.

Ang nasabing rebate ay pambawi sa ginamit na tubig panlinis ng kanilang mga tahanan na naapektuhan ng baha.

Pinuri ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office (MWSS-RO) ang inisyatiba ng Maynilad.

Ang Maynilad ay nagbibigay ng mga serbisyo ng tubig at wastewater sa mga residente sa karamihang bahagi ng Lungsod ng Maynila; hilaga at kanlurang bahagi ng Quezon City; kanlurang bahagi ng Makati City; at ang mga Lungsod ng Caloocan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Valenzuela, Muntinlupa, Navotas, at Malabon sa Metro Manila.

Nagsisilbi rin ito sa mga munisipalidad ng Kawit, Noveleta, at Rosario, gayundin ang mga Lungsod ng Bacoor, Cavite, at Imus sa lalawigan ng Cavite. RNT