36.9% ng Pinoy seniors walang pensyon noong 2020

36.9% ng Pinoy seniors walang pensyon noong 2020

December 1, 2022 @ 11:28 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi bababa sa 36.9% ng mga senior citizen sa bansa ang walang pensiyon noong 2020, ayon sa ulat ng Philippine Institute for Development Studies.

Ito ay higit sa kalahating pagbaba mula sa 78.9% ng mga Pilipinong senior citizen na naitalang walang pensiyon noong 2011.

Ang dahilan ng pagkaonti ng porsyento ay dahil sa pagpapalawak ng social pension program kung saan ang mga kwalipikadong senior citizen ay tumatanggap ng P500 kada buwan mula sa DSWD.

Gayunpaman, gustong tiyakin ng ilang mambabatas at grupo na lahat ng senior citizen ay dapat makatanggap ng pensiyon sa pamamagitan ng inihaing universal pension bill na nasa committee level na ng Kongreso.

Sa ilalim nito, kapag naisabatas mabibigyan ng P1,000 pension kada buwan ang lahat ng senior citizens sa bansa.

“Yung universal pension na ang ating i-finile para lahat na po magkaroon ng rich or poor, pensioner or non-pensioner,” ani Senior Citizens Partylist representative Rodolfo Ordanes.

“Every two years naman kasi ay dapat ireview… every two years ‘yan sigurado ay magkakaroon ng increase,” dagdag pa niya. RNT