37 kasapi ng CPP-NPA, sumuko sa NCRPO

37 kasapi ng CPP-NPA, sumuko sa NCRPO

November 23, 2022 @ 4:59 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Hindi naging maginhawa ang buhay bagkus ay lalong nakaranas ng kahirapan ang 37 kasapi ng Communist Party of the Philippines – New Peoples Army ( CPP-NPA) na naging dahilan upang talikuran ng mga ito ang kilusan at sumuko sa National Capital Region Police Office, Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ang pagbabalik-loob ng 37 rebel returnees na ginanap sa Hinirang Hall ay pormal na pinahalagahan ni NCRPO Chief BGen. Jonel Estomo kung saan ay nagpaabot naman ng katapatan sa gobyerno ang mga sumukong rebelde.

Isinuko ng mga sumukong miyembro ang kanilang mga baril, high powered firearms at live ammunitions, gayundin ang pagpunit ng bandila ng CPP-NPA bilang hudyat ng kanilang pagbabagong buhay sa tulong ng pamahalaan.

Ayon kay “Lorba”, 43-anyos, tubong Aurora, Quezon na sumanib siya sa kilusan na inakalang mababago ang kanyang buhay subalit naging kabaligtaran ito sa kanyang naranasan sa kabundukan.

Mas lalo siyang nakaranas ng “kalbaryo” sa ilalim ng pamumuno ni Kumander Sinag ng Silangan-MIMAROPA Command na naging ugat upang talikuran ang maling paniniwala.

Sa kabila nito, binigyan ni Estomo ng food package at cash money ang mga dating rebelde.

Nangako din ang pamunuan ng NCRPO na bibigyan nila ng livelihood projects ang mga sumukong rebelde. Cesar Morales