37,000 PATAY AT ISKAM PARA SA MGA BIKTIMA

37,000 PATAY AT ISKAM PARA SA MGA BIKTIMA

February 15, 2023 @ 12:53 PM 1 month ago


MAY mga wala talagang kaluluwa sa mga oras ng kalamidad.

Sa halip na tumulong, ‘yang mang-iskam ang pinagkakaabalahan.

At ginagamit pa ang mga kaawa-awang biktima.

Tumatayo pa ang mga ito na lehitimo umano silang organisasyon at mediamen o media company.

TIKTOK AT TWEETER SCAM

Itong dalawang social media na Tiktok at Twitter pa lang ang natutukoy na ginagamit sa pang-iiskam.

Ang Tiktok, may 1 bilyong user sa loob ng isang buwan at 3 bilyong beses nang may download.

Higit na mas marami ang gumagamit dito kumpara sa Twitter, Telegram, Reddit, Snapchat at pang-7 sa pinakamalalaking social media sa buong mundo.

Itong Twitter, may halos 400 milyong gumagamit nito sa buong mundo at 63 milyon dito ang nasa United States.

Dahil sa laki ng bilang ng mga tao na may konek o gumagamit sa mga socmed na ito, iniisip ng mga iskammer na kikita sila sa trahedya sa Turkey at Syria.

Nanghihingi ang mga iskamer ng mga donasyon para maipamigay umano nila sa mga biktima ng lindol.

Heto ang ilan sa mga panawagan nila sa Tiktok: “Let’s help Turkey”, “Pray for Turkey” and “Donate for earthquake victims”.

Sa Twitter, heto naman ang isang panawagan nila: “Friends, we have launched an aid campaign to reach people who have experienced an #earthquake disaster in Turkey.

Kasama ng kanilang panawagan ang paglalakip ng mga litrato ng mga nilindol na lugar, mga may na-rescue na mga bata at iba pa pero natagpuang ang ilan sa mga larawan ay galing sa ibang pangyayari sa ibang lugar at ibang panahon.

PAYPAL ISINASANGKOT

May iisang kompanyang remittance center na isinasangkot ng mga ito.

Ang PayPal.

Ayon sa mga iskamer, sa Turkey sila matatagpuan at kung ipadala ang mga salapi o crypto currency, tiyak na makararating ang mga ayuda.

Eh pumalag ang PayPal at saka natagpuang wala palang PayPal sa Turkey simula noong 2016.

MAG-INGAT

Hindi malayong makarating sa Pinas ang panawagan ng donasyon ng mga tarantadong iskamer na ‘to.

Sa rami ba naman ng nagti-Tiktok at nagtu-Twitter na Pinoy.

Dapat mag-ingat ang lahat kahit gagamit pa ang mga ito ng lehitimo na mga larawan at walang peke sa mga ito.

Kung sinoman ang may gustong magpadala, naririyan lang ang pamahalaang Marcos na daluyan ng mga posibleng tulong.

Naririyan din ang Turkey Embassy na nasa Makati City.

Naririyan din ang Syrian consulate general na may opisina sa Makati City.

Sa pagpapadala ng mga donasyon, alalahanin nating may 37,000 nang patay at may 150,000 labis ding naapektuhan ng lindol, mahigit 1,400 bata na inihiwalay sa mga magulang at nasa ospital at nasa 17,000 iba pang ginagamot sa mga ospital.

Kung Pinoy ka, brad, alalahaning may mga Pinoy ding biktima at kung pupwede, isama mo ang mga ito sa iyong ayuda.