Scammer na nagpapakilalang may kamag-anak sa BI, ibinabala

Scammer na nagpapakilalang may kamag-anak sa BI, ibinabala

February 17, 2022 @ 12:43 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa mga indibidwal na nag-aalok ng pag-ayos ng mga kinakaharap na problema sa ahensiya partikular na sa kanilang mga dokumento.

Dagdag pa ng BI na ang mga ito ay  nagpapakilalang mga kamag-anak o kaibigan ng mataas na opisyal kaya naman madali umano nila maayos ang mga dokumento.

Ani BI Commissioner Jaime Morente, nakatanggap sila ng impormasyon na ang mga nasabing scammer ay nag-aalok ng mga iligal na serbisyo sa pamamagitan ng pagpapakilalang malapit silang kamag-anak ng tagapamahala sa BI.

“In one recent case, a scammer was able to extort P200,000 from victim who has a visa problem. The victim was made to believe that the scammer is a relative of a high-ranking BI official,” ani Morente.

Pinaalalahanan ni Morente ang publiko na huwag maniwala sa mga naturang pahayag at agad na iulat ang anumang alok sa mga awtoridad ng BI at pulisya.

“We do not condone illegal activities,” giit ni Morente.

Matatandaan na nitong nakaraang buwan ay binalaan din ng BI ang publiko laban sa mga scammer na gumagamit ng social media at nag-aalok ng mga iligal na serbisyo online. Jay Reyes