Manila, Philippines – Nailigtas ng mga tauhan ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang 38 kababaihan na biktima ng umano’y illegal recruitment sa San Andres Bukid, Maynila kahapon.
Ayon kay Senior Insp. Jake Arcilla, hepe ng MPD-GAIS , nag-ugat ang kanilang operasyon nang dumulog sa pulisya ang apat sa mga biktima na nakatakas.
Nabatid na apat na buwan ikinulong sa isang bahay ang mga biktima sa San Andres Bukid na pinangakuang makapagtrabaho sa Jordan at Saudi Arabia.
Karamihan sa mga nasagip ay mula pa Visayas at Mindanao.
Ayon sa mga biktima, nakakulong sila sa isang bahay dahil hindi naman sila pinapayagang lumabas.
Tiyempo lamang na nakatakas amg apat kaya agad nagtungo sa pulisya upang masagip ang iba nilang kasamahan.
Wala namang naarestong recruiter nang isagawa ang operasyon gayunman inimbitahan naman ang caretaker ng bahay sa tanggapan ng MPD-GAIS para sa ilang katanungan.
Itinurn-over na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga biktima. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)