IWAS-SUNOG TIPS

IWAS-SUNOG TIPS

April 3, 2022 @ 3:28 PM 12 months ago


Tuwing Marso, ipinagdiriwang natin ang “Fire Prevention Month.”

Ito kasi ang pinakamainit na buwan dito sa Pilipinas kaya naman karamihan ng insidente ng sunog, nangyayari rin sa panahong ito.

Pero habang tumatagal, painit nang painit ang panahon kaya naman kahit Abril na, sunod-sunod na insidente pa rin ng sunog ang naitatala sa buong bansa.

At sa tuwing napag-uusapan ang sunog, madalas nating marinig sa matatanda na, ‘hindi bale nang manakawan, wag lang masunugan.’

Kapag kasi nasunugan ka, wala itong ititira sa mga ari-arian mo at pwede pang mapahamak pati ang pamilya mo.

Kaya kung takot kang masunugan, narito ang ilang paraan para manatiling ligtas mula sa sunog:

  1. Regular na inspeksyunin ang mga linya ng kuryente. Ugaliin nating i-check parati ang ating mga wires at kung may sira o tuklap, palitan agad dahil posible itong pagmulan ng sunog. Magpatingin din sa lisensyadong electrician kada dalawang taon.

  2. Iwasan ang octopus connection. Huwag magsaksak ng maraming appliances sa iisang saksakan ng kuryente.

  3. Huwag gumamit ng extension cord para sa mga kagamitang malakas komonsumo ng kuryente gaya ng aircon, regrigerator, plantsa, induction cooker at rice cooker.

  4. Inspeksyunin lagi ang tangke ng gasul. Kapag may butas, singaw o leak ang hose ng lpg tank, palitan agad.

  5. Huwag magja-jumper. Ang iligal na koneksyon ng kuryente ang isa sa kadalasang pinagmumulan ng sunog. Ang pagja-jumper ay pagnanakaw ng kuryente at labag ito sa Republic Act 7832 o Anti-Pilferage of Electricity and Theft of Electric Transmission Lines/Materials Act of 1994.

  6. Huwag maninigarilyo sa kama, sofa o malapit sa kurtina. Iwasang manigarilyo kung saan pwedeng pumatak ang upos sa mga bagay na madaling masunog. Agad na itapon ang upos na wala nang sindi. Mainam na sa labas na lamang ng bahay manigarilyo.

  7. Ilayo sa mga bata at huwag hayaang mapaglaruanang mga bagay na maaaring pagmulan ng sunog gaya ng kandila, posporo, lighter, at mga kemikal na madaling magliyab.

  8. Mag-invest sa fire extinguisher. I-pwesto ang fire extinguisher sa mga high risk area ng tahanan gaya ng kusina, kwarto, sala at garahe. RNT/ JCM