3,900 kaso ng COVID naitala sa mga paaralan – DOH

3,900 kaso ng COVID naitala sa mga paaralan – DOH

November 4, 2022 @ 5:25 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sa muling pagbubukas ng klase, nakapagtala na ng 3,900 kaso ng COVID-19 sa mga paaralan sa buong bansa mula noong Setyembre, sinabi ng Department of Health (DOH).

Sa press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang naturang mga kaso ay naitala noong September 1 hanggang Nobyembre 3.

“From September 1 to November 3, meron tayong around 3,900 na mga kaso na nangyari across the different schools dito po sa Pilipinas,” saad ni Vergeire .

Dagdag pa ng opisyal, wala namang naitala na malalang kaso at wala ring naitalang namatay na estudyante dahil sa impeksyon.

Paglilinaw ni Vergeire, ang numero ay mula sa surveillance report ng ahensya.

Kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na ang Department of Education ang hindi pa magsusumite ng kanilang report tungkol sa COVID-19 infections sa mga paaralan.

Buwan ng Agosto nang magsimulang magbalik eskuwela ang mga mag-aaral matapos ang dalawang taong online o blended learning bunsod ng pandemya.

Nitong Miyerkules, lahat ng eskuwelahan ay inatasan nang mag-shift sa full face-to-face classes kung saan inihayag din ng DepEd na boluntaryo na ang pagsusuot ng face mask. Jocelyn Tabangcura-Domenden