Pinas nasa 4th place sa SEAG

Pinas nasa 4th place sa SEAG

May 21, 2022 @ 11:08 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot sa 16 medalya, kabilang ang apat na ginto, ang nadakma ng Pilipinas sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam nitong Sabado.

Naglaban ang parehong Pinoy sa finals ng men’s doubles ng tennis at 10-ball pool singles sa billiards.

Nagwagi sa tennis men’s doubles ang koponan nina Treat Huey at Ruben Gonzales kung saan ginapi nila ang 2019 SEA Games champions na sina Jeson Patrombon at Francis Casey Alcantara.

Naibulsa naman ni billiards si Rubilen Amit matapos niyang talunin si Chezka Centeno sa 10-ball.

Matatandaang nagwagi si Amit sa 9-ball pool singles laban sa Singapore.

Nagsagupang muli sina Pinoy Carlo Biado at Johann Chua sa men’s 10-ball singles, kasunod ng pagkapanalo ni Chua sa 9-ball.

Subalit sa pagkakataong ito, si Biado na ang nanaig sa finals ng 10-ball singles at nag-uwi ng ginto.

Nagkamit din ng tanso ang Philippine women’s football team matapos talunin ang Myanmar 2-1.

Matatandaang noong 1985 pa huling nagkamedalya ang Pilipinas sa women’s football sa SEA Games.

Sumukbit din ng ginto sa weightlifting ang 18-anyos na si Vanessa Sarno, na nagtakda rin ng bagong SEA Games record sa women’s 71-kg class.

Dalawa na ang ginto ng Pilipinas sa SEA Games weightlifting  kasunod ng panalo ni Hidilyn Diaz noong Biyernes.

Nagkasya naman sa silver ang weightlifter na si Elreen Ando sa women’s 64-kg category.

Silver din ang nakuha sa chess women’s team blitz nina WFM Shania Mae Mendoza at WGM Janelle Frayna.

Nakapag-uwi naman ng tanso ang chess men’s team blitz nina IM Daniel Quizon at IM Emmanuel Garcia.

Sa men’s 55-kg judo, nag-uwi naman ng pilak si Daryl John Mercado habang nagwagi ng bronze sa women’s judo sina Ma. Jeanalane Lopez sa -45kg class at Leah Jhane Lopez sa -48kg class.

Nanalo rin ng bronze sa kani-kanilang weight class sa muay thai sina April Joy La Madrid sa combat 60kg at Rudzma Abubakar sa combat 48 kg.

Sa kasalakuyan, mayroong 47 gold, 65 silver, 89 medals na ang Pilipinas, o 201 sa kabuuan.RICO NAVARRO