3M indibidwal apektado ng bagyong Paeng – DSWD

3M indibidwal apektado ng bagyong Paeng – DSWD

November 2, 2022 @ 9:10 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aabot sa tatlong milyong indibidwal ang naapektuhan ng Severe Tropical Storm Paeng ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Martes, Nobyembre 1.

“Sa ngayon po kasi talagang binantayan natin ang ating mga kababayan, sa tantsa po natin ang affected individuals natin nasa three million po ito. Ito po ay lahat ng rehiyon sa ating bansa ay naapektuahan ng pananalasa ni bagyong Paeng,” pahayag ni DSWD Assistant Secretary at spokesperson Romel Lopez sa panayam ng DZBB.

Aniya, mayroon pang 76,000 na mga lumikas na pamilya ang namamalagi sa mga temporary shelters.

Ang mga pamilyang ito ay mula sa mga rehiyon ng National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 1, 2, 3, Calabarzon, Mimaropa, Regions 7, 8, 9, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sinisugorn naman ng DSWD na nabigyan na ang mga ito ng ayuda maging ang mga wala sa evacuation centers.

Dagdag pa ni Lopez, P69 milyon halaga ng tulong ang naipamahagi na kung saan ang P65 milyon ay mula sa DSWD at P3 milyon ang mula sa ilang local government units.

“Sa ngayon po ‘yung ating naipapamahaging tulong ay nasa P69 million worth of assistance na po, kasama na po rito ‘yung P65 million galing po sa DSWD. Iyan po ay ating mga family food packs and then mga cash assistance. And nasa higit P3 million ay galing sa mga LGUs. Meron din po tayong mga natanggap na tulong sa NGOs ito po ay nasa P13,600,” aniya.

Prayoridad nila na mabigyan ang mga pamilyang nawalan ng tirahan samantala ang mga pamilyang namatayan ay nakatanggap ng P10,000 pinansyal na tulong.

“Usually po ang ating naipapaabot na tulong sa kanila ay nasa P10,000. Halimbawa po kasi sa mga kapatid nating Muslim, halimbawa po sa BARMM na nasawi po ay P10,000 po kaagad outright,” sabi pa ni Lopez.

Samantala, ang DSWD ay mayroong P186.4 milyon na quick response fund at P82 milyon na standby funds sa mga regional offices.

“Sa ngayon po, mayroon tayong P186.4 million na quick response fund ito po ay sa central office pa lang ito. Nasa P82 million pa ang available na standby fund ng mga regional offices. Ang ating naka-preposition na foodpacks ay nasa 46,441,” dagdag pa niya.

Patuloy din na tumatanggap ng donasyon ang ahensya para sa mga residenteng nais tumulong sa mga nasalanta. RNT/JGC