3M Johnson & Johnson COVID-19 vaccine ilalaan sa mga probinsya – Galvez

3M Johnson & Johnson COVID-19 vaccine ilalaan sa mga probinsya – Galvez

July 13, 2021 @ 7:30 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Ilalaan sa mga islang probinsya sa Visayas at Mindanao ang tatlong milyong dose ng single-shot Johnson and Johnson (J&J) vaccine kontra coronavirus disease (COVID-19), ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr.

“Napakalaking tulong kasi one shot ang J&J at ito po ay ibibigay sa island provinces at sa lahat ng karatig-pook ng Mindanao at saka Visayas,” ani Galvez sa isang briefing.

Nakatakdang dumating ang 3,239,400 doses ng J&J vaccine ngayong linggo.

Ayon pa sa vaccine czar, target ng gobyerno na makumpleto ang bakuna ng 7 milyong katao bago matapos ang buwan kung saan tatlong milyon dito ay babakunahan ng J&J vaccine.

Layon din ng gobyerno na matapos ang ikalawang dose ng 90 porsyento ng mga health worker.

Inaasahan ding makatanggap ng 14 milyong dose ng COVID vaccine ang bansa ngayong buwan.

Ani Galvez, target din ng gobyernong makapagbakuna ng 300,000 hanggang 400,000 katao kada araw.

Sinabi pa ng opisyal na tatapusin ang pagbabakuna sa lahat ng guro ng Department of Education bago matapos ang Agosto.

Kasama na rito ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire and Protection, Department of Education, Department of Labor and Employment, Department of Agriculture, Commission on Higher Education, Department of Agrarian Reform, Department of Foreign Affairs, seafarers, overseas Filipino workers, at Department of Tourism.

Sa Agosto rin, inaasahang makatanggap ang bansa ng 8.4 milyong dose ng bakuna.

Nakatakda ring dumating sa Agosto 9 hanggang 15 ang biniling bakuna ng pribadong sektor. RNT/ELM