3M pamilyang Pilipino nakaranas ng gutom sa nakalipas na 3 buwan

3M pamilyang Pilipino nakaranas ng gutom sa nakalipas na 3 buwan

January 20, 2023 @ 7:11 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Tinatayang tatlong milyon o 11.8% ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng di-sinasadyang pagkagutom o involuntary hunger kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa isang poll.

Base sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022, bahagyang mas mataas kaysa sa 11.3% o 2.89 milyong pamilya na nag-ulat ng pareho sa isang survey na inilabas noong Oktubre 2022 at ang 11.6% o 2.95 milyong pamilya sa Hunyo 2022.

Gayunpaman, ito ay bahagyang mas mababa kaysa sa 12.2% o 3.1 milyong pamilya na iniulat noong Abril 2022.

Napag-alaman din sa survey na karamihang nararanasan ang gutom sa Mindanao na may 12.7% ng mga pamilya, sinundan ng Visayas sa 12%, Metro Manila sa 11.7%, at Balance Luzon sa 11.3%.

Ayon sa survey firm, ang 0.5-point na pagtaas sa pangkalahatang kagutuman sa pagitan ng Oktubre 2022 at Disyembre 2022 ay dahil sa pagtaas sa Visayas at Balance Luzon, na sinabayan ng pagbaba sa Metro Manila at Mindanao.

Sinabi ng SWS na tumaas ng limang puntos ang insidente ng gutom sa Visayas mula 7% o 336,000 pamilya hanggang 12% o 576,000 pamilya kumpara noong Oktubre 2022.

Lumabas din sa survey na ang 11.8% hunger rate noong Disyembre 2022 ay ang kabuuan ng 9.5% o 2.4 milyong pamilya na nakaranas ng moderate hunger at 2.3% o 599,000 pamilya na nakaranas ng matinding gutom.

Tinutukoy ng SWS ang moderate hunger bilang mga nakaranas ng gutom na “isang beses lang” o “ilang beses” sa nakaraang tatlong buwan, habang ang matinding gutom ay tumutukoy sa mga nakaranas nito “madalas” o “palaging” sa nakaraang tatlong buwan. RNT