4.2M pamilyang Pinoy nagutom sa nakalipas na 3 buwan – SWS

4.2M pamilyang Pinoy nagutom sa nakalipas na 3 buwan – SWS

July 13, 2021 @ 8:07 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Tinatayang 4.2 milyong pamilya ang nakaranas ng pagkagutom sa nakalipas na tatlong buwan, batay sa survey ng Social Weather Stations.

Sa survey na isinagawa mula Abril 28 hanggang Mayo 2, napag-alamang 16.8 porsyento ng pamilyang Filipino ang nakaranas ng kakulangan sa pagkain sa nakalipas na tatlong buwan.

Pinakamataas ito nitong Mayo na may 0.8 porsyento mula sa 16 porsyentong hunger rate nitong Nobyembre 2020.

“It is 4.3 points below the 2020 annual average of 21.1% but still double the December 2019 pre-pandemic level of 8.8% (estimated 2.1 million families),” ayon sa SWS.

Mula sa 16.8 porsyento hunger rate, 14.1 porsyento o 3.6 milyong pamilyang Filipino ang nakaranas ng moderate hunger at 2.7 porsyento o 674,000 sa severe hunger.

Ang moderate hunger ay ang mga nakaranas ng pagkagutom isa o ilan pang beses sa nakalipas na tatlong buwan habang ang severe hunger ay madalas makaranas ng gutom.

Tumaas naman ang mga Filipino na nakaranas ng gutom sa mga self-rated poor kung saan naitala ang 23.5 porsyento mula sa 21.7 porsyento nitong Nobyembre 2020.

Para naman sa non-poor, 10.3 porsyento ito nitong Mayo kumpara sa 10.6 porsyento nitong Nobyembre 2020.

Habang sa self-rated food-poor tumaas ito ng 32.9 porsyento mula sa 28.1 porsyento.

Bumaba naman ng 9.3 porsyento sa Non-Food-Poor mula sa 10.5 porsyento.

Isinagawa ang non-commissioned survey sa 1,200 respondents na nasa tamang edad. RNT/ELM