4.4M donasyong Moderna, Janssen vax dumating sa Pinas 

4.4M donasyong Moderna, Janssen vax dumating sa Pinas 

December 15, 2021 @ 7:34 AM 9 months ago


MANILA, Philippines – Nakatanggap ang Pilipinas, Martes ng hapon, ng aabot sa 4.45 milyong doses ng bakuna na donasyon mula sa iba’t ibang mga bansa.

Kabilang dito ang Moderna at Johnson & Johnson COVID-19 vaccine brand na parehong lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa nasabing bilang, nasa 1,512,000 doses ang Moderna, kung saan ang 1,058,400 ay donasyon ng French government at 453,600 ay donasyin naman ng Spanish government na ipinadala sa Pilipinas sa pamamagitan ng COVAX-facility.

Lumapag ang delivery sa Pinas sa pamamagitan ng Emirates Airline flight EK332 sa NAIA Terminal 3.

Umabot naman sa 945,600 doses pa ng single-shot Janssen vaccine ang dumating sa bansa na mula naman sa donasyon ng Dutch government sa pamamagitan pa rin ng COVAX.

Binitbit ito ng Qatar Airways flight QR932 sa NAIA Terminal 3.

Dagdag na 2 million doses naman ang sumunod na dumating sa bansa bandang 10pm ng Martes, ayon sa National Task Force (NTF) Against COVID-19.

Dahil sa bagong delivery, umakyat na sa 160 milyong doses na bakuna ang pumasok sa bansa.

Target ng gobyerno na makapagbakuna ng hanggang 54 milyong Pinoy. RNT