4.7K indigents nakakuha ng P35M medical aid mula Jan. 9 ‘gang 13 – PCSO

4.7K indigents nakakuha ng P35M medical aid mula Jan. 9 ‘gang 13 – PCSO

January 18, 2023 @ 2:18 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakapaglabas na ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng nasa P35.35 milyon na halaga ng medical assistance sa kabuuang 4,704 eligible beneficiaries sa buong bansa mula Enero 9 hanggang 13.

Sa datos na inilabas nitong Miyerkules, Enero 18, ang pondo ay inilabas sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Medical Access Program (MAP) nito.

Kabilang sa mga natulungan ang 625 indigents mula sa National Capital Region na nakatanggap ng P7.8 milyon na halaga ng tulong; 898 mula sa North Central Luzon na nabigyan ng P7.5 milyon; at 1,247 mula sa South Luzon at Bicol region na nakatanggap ng P7.4 milyon.

Sa Visayas naman, 874 indibidwal ang nabigyan ng P6.1 milyon ng medical aid habang 1,060 indibidwal naman ang nakatanggap ng P6.3 milyon sa Mindanao.

Ang MAP, o ang dating Individual Medical Assistance Program, ay naglalayong matulungan ang mga indigent Filipino para sa kanilang pangangailangang medikal katulad ng
hospital confinement, chemotherapy, dialysis, at post-transplant medicines.

Pinopondohan ang programang ito ng kita mula sa mga laro ng PCSO sa buong bansa. RNT/JGC