4 anyos na ayaw uminom ng gamot, todas sa suntok ni itay

4 anyos na ayaw uminom ng gamot, todas sa suntok ni itay

July 8, 2021 @ 6:55 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – PATAY ng isang batang babae nang suntukin siya ng dalawang beses sa tiyan ng kanyang ama matapos na tumangging uminom ng gamot para sa lagnat kaninang madaling araw sa lungsod ng Quezon.

Ang biktima ay kinilalang si Kristine Carpeso, 4 anyos, habang ang suspek naman ay kinilalang si Lougie Carpeso, 28, kapwa nakatira sa Cabesang Andres, FB De Jesus Subd., Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Q.C.

Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, bandang 1:15 ng madaling araw (July 8), ang biktima at isa pang nakatatandang kapatid nito ay parehong nilalagnat kaya pilit na pinainom ng kanilang mga magulang ng gamot.

Uminom naman umano ng gamot ang nakatatandang kapatid pero tumanggi ang batang biktima at umiiyak.

Marahil nagalit si Lougie sa anak nito sa  patuloy na pag-iyak at pagtanggi sa pag-inom ng gamot dahilan upang suntukin niya ng dalawang beses sa tiyan ang kanyang anak.

Napansin naman ng mga magulang na nahirapan  huminga si Kristine sanhi upang agad nilang isugod ito sa Hope General Hospital subalit binawian ng buhay.

Labis naman ang pagsisi ng suspek sa kanyang nagawa sa anak na ngayon ay nakapiit na at nahaharap sa kasong Parricide. Jan Sinocruz