4 arestado sa P1.5 milyon halaga ng shabu

4 arestado sa P1.5 milyon halaga ng shabu

July 31, 2018 @ 2:08 PM 4 years ago


 

Navotas City – Kumpiskado ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang nasa P1.5 milyon halaga ng shabu sa apat na hinihinalang big time drug pusher kabilang ang dalawang babae na nadakip sa isinagawang buy-bust operation kaninang madaling araw sa loob ng Navotas Fishport Market 3 sa Navotas City.

 

Kinilala ni NDP director Chief Supt. Gregorio Lim ang mga suspek na sina Aldrin Campos, 31; Jay-r Sonet, 30; Jilian Alegado alyas “Sheila”, 28; at Merelyn Golfere alyas “Inday”, 24 pawang mga residente ng Brgy. Northbay Boulevard North (NBBN).

 

Base sa imbestigasyon ni PO3 Alfredo Rago Jr., pasado alas-4 ng madaling araw nang ikasa ng pinagsanib na pwersa ng District Special Operation Unit (DSOU) at District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna nina PSI Cecilio Tomas Jr. at P/ Insp. Danilo Songalia ang buy-bust operation laban sa mga suspek sa Market 3, NBBN.

 

Kaagad dinakip ang mga suspek nang magbenta ng isang plastic sachet ng shabu sa isa sa operatiba na nagpanggap na poseur-buyer.

 

Narekober sa mga suspek ang 10 pack heat sealed transparent plastic sachet na aabot sa 250 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P1,500,000.00 ang halaga at buy-bust money. (Roger Panizal)