4 arestado sa P408K shabu sa Valenzuela

4 arestado sa P408K shabu sa Valenzuela

June 9, 2022 @ 1:33 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Swak sa kulungan ang apat na hinihinalang tulak ng iligal na droga kabilang ang isang liason/agent-online casino matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation sa Valenzuela City.

Kinilala ni PLT. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police ang naarestong mga suspek na sina Archimedes Galicia, 41, Liason/Agent-Online Casino at Maria Virginia Aguilar, 24, kapwa ng Brgy. Gen T. De Leon ng lungsod.

Ayon kay PCpl Pamela Joy Catalla, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT. Doddie Aguirre ng buy bust operation sa #1015 Lorex Ave., Tanada, Brgy. Gen T De Leon.

Matapos matanggap ang pre-arranged signal mula sa pulis na umaktong poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng P500 halaga ng shabu ay agad lumapit ang back-up na operatiba at inaresto nila ang mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang humigi’t kumulang 55 gramo ng shabu na may standard drug price P374,000, marked money, 2 cellphones, hard case at P200 cash.

Samantala, sa ulat ni PCpl Christopher Quiao, bandang alas-9:00 ng umaga nang madakma rin ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Sitio Kabatuhan, Brgy. Gen T. De Leon si Jaspher Reyes, 26 at Sarah Torres, 38, kapwa (pusher/listed).

Nasamsam sa kanila ang nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P34,000 at buy-bust money na isang tunay na P500 bill, apat na pirasong P100 at anim na pirasong P500 boodle money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez