4 bangkay iniwan sa kalsada sa MisOr

4 bangkay iniwan sa kalsada sa MisOr

July 11, 2022 @ 10:13 AM 4 weeks ago


MISAMIS ORIENTAL- APAT na bangkay ng mga kalalakihan ang natagpuan sa kalsada kabilang ang isang menor de edad na pinaniniwalaan biktima ng summary execution o salvaging, Linggo sa bayan ng Villanueva.

Ayon sa inisyal ng report ng Villanueva Police Station, madaling-araw ng Linggo (Hulyo 10) nakatanggap sila ng report na may bangkay ng apat na katao sa kalsadang sakop ng Purok 9, Barangay Imelda, Villanueva, Misamis Oriental.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa nasabing lugar nakita nila ang mga biktima na may mga tama ng bala mula sa .45 kalibre at 9mm na baril sa kanilang ulo at katawan at nakagapos ng wire ang kamay ng mga ito.

Paniniwala ng pulisya posibleng pinatay sa ibang lugar ang mga biktima at itinapon lamang ito sa nabanggit na lugar para iligaw ang imbestigasyong gagawin ng mga awtoridad.

Nagpapatuloy na ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang dinala naman sa punerarya ng Tagoloan, Misamis Oriental ang labi ng mga biktima at inaasahan may mga kaanak sa mga ito ang dumating./Mary Anne Sapico