4 bayan sa Cebu tinukoy na ‘buffer zones’ sa ASF

4 bayan sa Cebu tinukoy na ‘buffer zones’ sa ASF

March 10, 2023 @ 11:34 AM 3 weeks ago


CEBU CITY- Tinukoy bilang “buffer zones” ang apat na bayan sa Cebu City kahapon (Huwebes) ng pamahalaan panlalawigan ng Cebu dahil sa African Swine Fever (ASF) virus sa katimugang lungsod ng Carcar, na tahanan ng sikat na “chicharon”.

Ayon kay Dr. Rose Vincoy, provincial veterinarian, idineklara ang zoning matapos makipagpulong sa mga municipal at city veterinarian sa Cebu Provincial Capitol para magawan ng solusyon at hindi na kumalat pa ang ASF virus.

Aniya, ang mga bayan na idineklarang “pink” zone ay ang San Fernando, Barili, Aloguinsan at Sibonga na katabi ng Carcar City, alinsunod sa scheme ng color-coding ng task force ng ASF, ang mga pink zone ay nagsilbing buffer kung saan wala ang nakamamatay na virus ngunit ito ay katabi ng lokalidad na idineklara bilang isang “red” zone kung saan natukoy ang impeksyon.

Habang ang lungsod ng Naga at ang mga bayan ng Pinamungajan, Dumanjug at Argao ay natukoy na “yellow” zone, kung saan kailangan ang mahigpit na pagbabantay sa mga buhay na baboy para sa posibleng impeksyon ng mataas na nakakahawang hemorrhagic fever.

Sa Toledo City naman, ang mga bayan ng Moalboal, Badian, Ronda at Minglanilla ay inilalagay sa ilalim ng “light green” zone o protected zone, kung saan walang mga kaso ng ASF at itinuturing na low-risk ngunit magkadikit sa red zone sa mga tuntunin ng land mass.

“Kami ay patuloy sa aming monitoring sa ibang LGUs (local government units) para malaman ang lawak ng contagion,” ani Vincoy.

Samantala, sinabi naman ni Department of Health – Central Visayas regional director Jaime Bernadas, na ang mga pork at pork products ay hindi nakakasama sa tao bagama’t maaari itong maging carrier ng virus.

“Ligtas na kumain ng baboy basta’t lutuin mo ito ng mabuti,” ani Bernadas. Mary Anne Sapico