4 bayan sa Iloilo sapul ng African Swine Fever

4 bayan sa Iloilo sapul ng African Swine Fever

November 5, 2022 @ 11:00 AM 4 weeks ago


ILOILO CITY —Pinag-iingat ngayon ang publiko ng pamahalaan probinsya sa Iloilo sa pagkain ng karne ng baboy matapos magpositibo ang apat na bayan sa virus na African Swine Fever (ASF).

Ito ang kinumpirma ni Iloilo Provincial Veterinary Office chief Dr. Darel Tabuada, na nagpositibo sa ASF ang mga sample ng dugo ng mga baboy na ipinadala sa testing center ng Department of Agriculture (DA).

Habang dalawa pang bayan mula sa lalawigan ng Iloilo na unang idineklara na may kaso ng ASF ay ang Oton at San Miguel.

Sinabi ni Tabuada, nagtulong-tulong na ang lokal na pamahalaan ng Alimodian, Leganes at IPVO para sunugin ang mga baboy at agad na mailibing para hindi na kumalat ang virus.

Aniya, ang depopulation o mercy killing ng mga buhay na baboy ay gagawin lamang sa 0.5 kilometrong radius alinsunod sa bagong DA memorandum.

Samantala, isa pang bayan ang minomonitor sa ngayon ng IPVO na may hinihinalang kaso ng ASF dahil sa bigla na lamang nangamatay ang mga baboy sa hindi malamang kadahilanan.

Nagpadala na rin ng sample sa DA laboratory ang IPVO at hinihintay na lamang ang paglabas ng resulta. Mary Anne Sapico