4 bearded dragon kinumpiska ng BOC sa Pampanga

4 bearded dragon kinumpiska ng BOC sa Pampanga

January 30, 2022 @ 4:25 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang apat na buhay na bearded dragons sa loob ng isang kargamento na nagmula sa Malaysia.

Sinabi ng BOC, ang nasabing kargamento ay dumating sa bansa nitong Huwebes kung saan idineklara ito na naglalaman ng “Tupperware”. Dumaan ito sa x-ray scanning kung saan nakitaan ng kahina-hinalang mga imahe kaya’t isinailalim ito sa 100% physical examination na nagresulta sa pagkakadiskubre ng apat na bearded dragons na nakapaloob sa plastic containers.

Ang nasabing misdeclared bearded dragons ay inangkat nang walang kinakailangang Sanitary & Phytosanitary Certificate at Veterinary Health Certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na lumalabag sa Section 118 (g), 119 (f), 1113 (l, j) at 1400 ng R.A. No. 10863 o mas kilala na “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA)” at R.A. No. 9147 o ang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act”.

Itinurn-over naman ang mga nakumpiskang bearded dragons sa DENR para sa rehabilitsyon at pag-aalaga dito. JAY Reyes