4 Chinese national na nasamsaman ng mga baril, arestado sa Makati

4 Chinese national na nasamsaman ng mga baril, arestado sa Makati

March 3, 2023 @ 10:52 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nasakote ang apat na hindi dokumentadong Chinese nationals ng pinagsanib na pwersa ng iba’t ibang sangay ng kapulisan at ahensya ng gobyerno sa dalawang magkahiwalay na operasyon ng pagpapatupad ng flagship project na ‘Oplan Pagtugis at Oplan Paglalansag Omega’ sa Makati City.

Kinilala ang apat na inarestong suspects na sina Wu Jheng Long a.k.a. Wu Chang Long; Chen Chien-Ning a.k.a. Chen Chien Ning/Chang Yung-Han/Chang Yung Han; Chen Chun-Yu; at Yang Zong Bao.

Ang pagkakaaresto sa mga suspects ay naisakatuparan sa bisa ng warrant of deportation na nilagdaan ni Bureau of Immigration and Deportation (BID) Commissioner Norman G. Tansingco nitong Pebrero 27, 2023 at Agosto 5, 2021 na naaayon sa Amended Summary Deportation Order No. JHM/BOC-18-181 at pursuant to Summary Deportation Order No. JHM/BOC-2021-159 na inisyu ng Board of Commissioners.

Ayon sa inilabas na report, naging matagumpay ang pagkakaaresto sa mga suspects dakong alas-11 ng gabi sa isinagawang magkahiwalay na operasyon ng ‘Oplan Pagtugis at Oplan Paglalansag Omega’ sa lugar ng Rockwell at sa Calumpang Road, Dasmariñas Village, Makati City ng pinagsanib na pwersa ng Anti-Organized Crime Unit-Criminal Investigation and Detection Group (AOCU-CIDG), tauhan ng Intelligence Division at Ayala Sub-Station ng Makati City Police Station (CPS), ahente ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BID at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kabilang ang Police Attache ng Taiwan na si Po-Yuan Charlie Wu at ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO).

Sa pagsisilbi ng warrant of deportation laban kina Chen at Chun Yu ay nakarekober ang mga operatiba ng iba’t-ibang kalibre ng baril at bala na kinabibilangan ng Glock 26 Austria 9×19 9mm, Sigsauer Made In Germany 9mm, Five Seven Cal.5.7×28 Fnh Usa Frederickburg Va, Jericho 941 Psl Israel Weapon 9mm, Cz75 Compact Cal. 9 lucer Made Czech Republic 9mm na mayroong 33 piraso ng Super 38 bala, 15 piraso ng Cal. 40 bala at bala ng caliber 5.56.

Base sa nakalap na impormasyon, ang mga nadakip na suspects ay diumano’y konektado sa notoryus na sindikato sa Taiwan na sangkot sa produksyon ng ilegal na droga, opersyon ng telecom fraud at iba pang ilegal na aktibidad dito sa Pilipinas kung saan ang kanilang mga pasaporte ay ini-revoke na ng mga awtoridad sa Taiwan.

Agad na isinailalim sa RT-PCR test ang apat na suspects at ng magnegatibo sa COVID-19 ang kanilang mga resulta ay dinala ang mga ito sa Bureau of Immigration Warden Facility (BIWF) para sa kanilang booking at documentation sa BID Main Office. James I. Catapusan