4 Chinese national timbog sa tobats sa Pasay

4 Chinese national timbog sa tobats sa Pasay

November 17, 2022 @ 3:40 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado ng mga operatiba ng Intelligence Section ng Pasay City Police Station (CPS) ang apat na Chinese national matapos manggulo at mahulihan ng shabu nitong Nobyembre 16 sa lungsod.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Byron Tabernilla ang apat na inarestong Chinese nationals na sina Mai Jiang Wei, 40; Li Peng, 32; Liu Fei, 41; at Deng Lei, 29, pawang mga enpleyado ng POGO at naninirahan sa Island Cove, Kawit, Cavite.

Base sa ulat na isinumite kay Tabernilla, nadakip ang apat na Chinese nationals dakong alas 2:45 ng madaling araw sa HK Sun Plaza, Roxas Boulevard, Pasay City.

Ayon kay Tabernilla, nang mga oras na iyon ay nagsasagawa ng surveillance operation ang mga operatiba ng Intel bunsod sa impormasyon na kanilang natanggap sa mga nagaganap na insidente ng robbery/snatching sa HK Sun Plaza nang mamataan ng mga operatiba ang apat na Chinese national na nagtatalo-talo at nagsisigawan na parang may pinagtatalunan.

Dahil nga hindi nakauniporme ang mga operatiba ay hindi sila nakilala ng mga Chinese national nang lapitan sila at nang magpakilala sa kanila ay nagulat ang mga ito na pulis na pala ang kanilang kaharap.

Sa patuloy na pagbeberipika sa mga Chinese national ay nakuhanan ang mga ito ng dalawang sachets ng hinihinalang shabu na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 Art. 2 ng R.A. 9165 at alarm and scandal ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay CPS.

“Mahigpit na ipatutupad ang mga batas upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan ng lungsod. Ang sinumang lumabag sa batas, lokal na mamamayan man o banyaga, ay dapat managot,” ani Tabernilla. James I. Catapusan