4 drug suspects nabitag sa Navotas buy bust

4 drug suspects nabitag sa Navotas buy bust

November 20, 2022 @ 3:19 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa kulungan ang bagsak ng apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang 63-anyos na lolo matapos masakote sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Navotas City.

Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, alas-11:55 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Luis Rufo Jr, ng buy bust operation sa Badeo 5, Brgy. San Roque na nagresulta sa pagkakaaresto kay Vervan Delos Santos, 26 at James Russel Jamin alyas “Dodong”, 21, kapwa residente ng lungsod.

Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 6 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php 40,800.00 at P300 buy bust money.

Bandang alas-12:30 ng madaling araw nang malambat naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Judge Roldan St. Brgy. San Roque sina Jojit Sales, 25, at Godofredo Grande alyas “Godo”, 63, kapwa ng lungsod.

Nasamsam sa kanila ang 10 pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 6 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P40,800 at P300 marked money.

Ani PLt. Rufo, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura