4 durugista binitbit sa Navotas buy bust, 1 nakapuslit

4 durugista binitbit sa Navotas buy bust, 1 nakapuslit

December 2, 2022 @ 11:02 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bagsak sa loob ng rehas na bakal ang apat na drug suspects matapos matimbog sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya habang nagawa namang makapuslit ng isa sa Navotas City.

Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-8:20 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa Kapalaran 3 St., Brgy. San Roque na nagresulta sa pagkakaaresto kay Roselle Calamba, 36, (pusher/listed) at Roderick Austria alyas “Odek”, 50.

Gayunman, nagawang makapuslit ng kasabwat ni Calamba na si Augusto Genuino alyas “Barok”, 42, (pusher/listed) nang matunugan niya na pulis ang kanilang ka-transaksyon.

Nakumpiska sa mga nadakip ang humigi’t kumulang 5.2 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P35,360, P300 buy bust money at P300 recovered money.

Nauna rito, bandang alas-12:15 ng madaling araw nang malambat naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Dalagang Bukid, Brgy. NBBS Dagat-Dagatan, sina Rodolfo Narnoco alyas “Boyong”, 34, mangingisda at Ronaldo Edio, 39, kapwa residente ng Brgy. NBBS Kaunlaran.

Nasamsam sa kanila ang pitong pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php 34,000.00 at P500 marked money.

Ani PCpl Eldefonso Torio at PSSg Chrystian Palomer Oclares, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura