4 durugista sa kulungan nagdiwang ng Bagong Taon

4 durugista sa kulungan nagdiwang ng Bagong Taon

January 1, 2023 @ 11:25 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sa loob ng selda bagdiwang ng Bagong Taon ang apat na hinihinalang drug personalities matapos madamba ng pulisya sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Navotas City.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, dakong alas-12:05 ng hating gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa R10, Brgy NBBN, Navotas City.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang kanilang target na si Lorenzo Jr. Macapagal alyas “Yoyoy, 46, (pusher/listed) at kasabwat nitong si Danilo Cruz alyas “Butchoy”, 42, (user/listed) matapos bintahan ng P500 halaga ng umano’y shabu ang isang undercover police poseur buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 8.5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php 57,800 at buy bust money.

Nauna rito, bandang alas-10:30 ng gabi nang matimbog naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa B Cruz St., Brgy. Tangos North si Rodel Mateo alyas “Jay-jay”, 37, at Ferdy Bautista, 20, kapwa (pusher/listed).

Ani P/Capt. Rufo, nasamsam sa mga suspek ang humigi’t kumulang 10.5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) Php 71,400 at P500 marked money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale), at Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drug), Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Boysan Buenaventura