4 holdaper timbog sa Las Piñas follow-up ops

4 holdaper timbog sa Las Piñas follow-up ops

February 12, 2023 @ 1:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Apat na holdaper ang arestado sa magkahiwalay na pagsasagawa ng Oplan Sita at follow-up operation ng mga operatiba ng Las Piñas City police nitong Sabado.

Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Jaime Santos ang mga arestadong suspects na sina Jerome Marquina y Cantal, 25, at Artju Palomata y Bustamante, 24, kapwa construction worker; Julio Czar Omahoy y Gersola, 31; at Glenn Cañete y Ricaport, 31.

Base sa report na natanggap ni Santos, unang nasakote sina Marquina at Palomata habang nagsasagawa ng Oplan Sita operation ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riders Unit (TMRU) sa Luningning Subd, Brgy Talon 4, Las Piñas City.

Sinabi ni Santos na habang nagsasagawa ng Oplan sita ang mga tauhan ng TMRU ay napadaan sa lugar ang motorsiklong Yamaha Novu Z na walang plaka na minamaneho ni Palomata at backride na si Marquina na kapwa hindi nakasuot ng safety helmet.

Ayon kay Santos, imbis na huminto ay pinaharurot pa ni Palomata ang kanyang minamanehong motorsiklo kung saan nagkaroon ng isang maiksing habulan at nang masakote ay narekober sa posesyon ni Palomata ang isang kalibre .38 rebolber habang si Marquina naman ay nakuhanan ng kutsilyo na nagresulta ng agad nilang pagkakaaresto.

Agad na dinala ang mga suspects sa Talon Sub-Station kung saan positibong kinilala ng biktimang si Edward Molina y Pantubila, 32 sina Palomata at Marquina na mga nangholdap sa kanya.

Sa salaysay ni Molina, tinutukan siya ng baril at kutsilyo nina Palomata at Marquina kabilang ang dalawa pang suspects dakong ala-una ng madaling araw nitong Biyernes (Pebrero 10) sa Mangga St., Talon 5, Las Piñas City kung saan nakuha sa kanya ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng ₱10,000, relong Seiko (₱5,000) at perang ₱800.

Sa isinagawang imbestigasyon ay inginuso nina Palomata at Marquina ang kanilang dalawa pang kasama kung kaya’t agad na ikinasa ang follow-up operation na nagresulta naman sa pagkakaaresto sa dalawa pang suspects na sina Omahoy at Cañete na nakumpiskahan din ng isang kalibre .38 rebolber at isang kutsilyo.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions), BP6 (Illegal Possession of Bladed Weapons) at Robbery in Band ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa Las Piñas City Police Station detention facility. (James I. Catapusan)