4 kasunduan nilagdaan nina PBBM, Widodo

4 kasunduan nilagdaan nina PBBM, Widodo

September 6, 2022 @ 7:12 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – “VERY PRODUCTIVE” ang pangalawang araw ng state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Indonesia.

Sa press briefing sa Harris Suites sa Jakarta, sinabi ni Press Secretary Trixie-Cruz Angeles na maraming na-accomplished ang Pangulo sa isang buong araw.

“It was very productive, extremely so because the President did not expect that the talks between him and [Indonesian] President [Joko] Widodo would progress so rapidly in such a short time,” ayon kay Cruz-Angeles.

Bago pa kasi magtanghalian, nagdaos na ng bilateral meeting si Pangulong Marcos kasama ang Philippine delegation sa kanyang Indonesian counterpart at iba pang Indonesian officials sa Bogor Presidential Palace sa West Java.

Sa nasabing pulong nilagdaan ng dalawang bansa ang apat na kasunduan gaya ng “defense cooperation, cultural cooperation, creative economy, at plan of action para sa bilateral cooperation.”

Sa kanyang official Facebook page, kumpiyansang ipinahayag ni Pangulong Marcos na ang apat na kasunduan na nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia ay mapakikinabangan hindi lamang ng dalawang bansa kundi maging ng buong Association of Southeast Asian Nations (Asean) region.

“We are confident that the agreements signed between our countries will help build a peaceful and more united Asean region,” ani Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako, nagbigay-galang naman si Pangulong Marcos sa Heroes Monument sa pamamagitan ng wreath-laying ceremony sa Kalibata National Heroes Memorial Park sa Jakarta.

Kasama ng Pangulo si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa idinaos na ceremonial event.

Samantala, nagkaroon din si Pangulong Marcos ng roundtable discussion kasama ang mga business leaders sa Indonesia sa Fairmont Hotel, Jakarta.

Ani Cruz-Angeles, masaya ang Pangulo sa ipinakitang interest ng mga business leaders sa ekonomiya ng Pilipinas.

“This is part of his vision for economic recovery and he also happily reported to them the general outcome of his agreements or his talks with President Widodo,” wika ni Cruz-Angeles.

Ang Pangulo (Marcos) ay kasalukuyang nasa Indonesia para sa three-day state visit mula Setyembre 4 hanggang 6.

Matapos sa Indonesia ay lilipad naman ang Pangulo para naman sa kanyang state visit sa Singapore sa Setyembre 6 at 7. Kris Jose