4 magtropang may bitbit na P7.5M cash pinagbabaril; nakaligtas na biktima, ‘person of interest’

4 magtropang may bitbit na P7.5M cash pinagbabaril; nakaligtas na biktima, ‘person of interest’

September 16, 2022 @ 1:00 PM 2 weeks ago


ILOILO CITY- PATAY ang tatlo sa apat na magkakaibigan negosyante na may dalang P7.5M habang masuwerteng nakaligtas ang isa matapos silang tambangan at paulanan ng bala ng baril ng mga hindi pa kilalang suspek nitong Miyerkules sa bayan ng Estancia, Iloilo City.

Kinilala ang mga nasawi na sina John Paul Mark Bosque, 28-anyos, ng Brgy. Devera, Sara; Mark Clarenz Libao, 24-anyos, ng Tacas, Jaro, at Chrysler Floyd Fernández, 27-anyos, ng Jereos, La Paz, Iloilo City.

Nakaligtas naman ang isa nilang kaibigan na kinilalang si Jebron Parojinog, 24-anyos, ng Brgy. Villa Pani-an, Estancia at business partner ng mga nasawi.

Batay sa report ng Estancia Municipal Police Station, dakong 12:00 AM ng maganap ang krimen sa Villa Pani-an, Estancia, ng nasabing lungsod.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng Isuzu-Mux pick-up na minamaneho ni Parojinog patungo sana sa bahay ng ama ng huli sa nasabing lugar para ibenta sa ama nito ang Fishing Boat ni Bosque na nagkakahalaga ng P7M na umano’y pambayad sa pinagkakauntangan nito sa online sabong.

Subalit, pagdating sa nasabing lugar bigla na lamang silang pinara ng mga armadong kalalakihan at tumayo sa passenger side.

Tumabi naman sa gilid ng kalsada si Parojinog pero kalaunan ay pinagbabaril na sina Bosque at Libao na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Nagawa naman makababa ng sasakyan sina Parojinog at Fernandez saka tumakbo subalit minalas na nadapa si Fernandez kaya pinagbabaril na rin ito ng mga suspek habang nakatakas si Parojinog.

Matapos ang pamamaril mabilis na tumakas ang mga suspek at posibleng tinangay ang nasabing halaga ng pera.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng pitong basyo ng .45, isa 9mm pistol, 1 ka magazine, 14 na mga bala, cellphone ng mga biktima, at counting machine ng pera subalit wala na ang perang P7.5M.

Ayon kay PLt. Joebert Amado, acting chief of Police ng Estancia Municipal Police Station, isa si Parojinog sa kanilang persons of interest at isinailalim ito sa paraffin test subalit negatibo ang resulta.

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo at utak sa nasabing krimen.

Samantala, naglaan naman si Iloilo City Mayor Jerry Treñas, ng P50,000 pabuya sa sinuman makakapagturo o makahuli sa mga suspek./Mary Anne Sapico