4 major infra project sa E. Visayas, sisimulan ng DPWH

4 major infra project sa E. Visayas, sisimulan ng DPWH

December 10, 2021 @ 7:22 AM 10 months ago


Tinukoy ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang apat na pangunahing proyektong imprastraktura sa Eastern Visayas na itatayo sa susunod na dalawa hanggang limang taon.

Ang Long-term projects ay ang 15-kilometer (km) Samar Pacific Coastal Road (SPCR) project phase 2, pagtatayo ng 700-meter Iconic Liloan Bridge, konstruksyon ng 1.1 km Iconic Maasin Coastal Bypass Bridge, at pagtatayo ng 23-km Bohol – Leyte Link Bridge.

Kasama sa SPCR ang dalawang long-span bridges na may kabuuang haba na 1.4 km. Nakumpleto na ang feasibility study at ang panukalang proyekto ay nasa paghahanda na para isumite sa National Economic and Development Authority.

Ayon sa DPWH, ang SPCR project phase 2 ay makatutulong sa patuloy na 11.60-km SPCR phase 1 na nag-uugnay sa mga bayan sa pasipiko mula sa Simora Junction sa bayan ng Laoang, na tumatawid sa malalayong nayon ng Laoang at Palapag na bayan. Sa 59 porsiyentong natapos, ang unang phase 1 ay sumasaklaw din sa pagtatayo ng tatlong tulay.

Samantala inihahanda na rin ang concept paper para sa Liloan Bridge habang ang Maasin Coastal Bypass Bridge ay nakatakdang talakayin sa Export-Import Bank of Korea.

Para sa Bohol-Leyte Link Bridge, muling bibisitahin ng mga opisyal ang pre-feasibility study na pinondohan ng Asian Development Bank

Ang gobyerno ay hindi pa nakapagsasagawa ng mga pagtatantya ng gastos para sa apat na pangmatagalang proyektong ito.

Sinabi ni DPWH Acting Secretary Roger Mercado, nakipag-ugnayan siya sa Unified Project Management Office (UPMO) Operations sa pangunguna ni Undersecretary Emil Sadain upang tulongan ang regional office sa paghahanda sa konstruksyon ng mas pinatatag na regional road network.

“In my inspection, I saw the need for a significant upgrade of roads and bridges to improve connectivity and address problem of isolation especially in far-flung areas of the region,” ani Mercado

Si Mercado na nagmula sa Southern Leyte ay tinukoy ang hindi dapat na imprastraktura bilang isang malaking hadlang sa paglago ng ekonomiya at pagbabawas ng kahirapan partikular sa Southern Leyte at Northern Samar. Jocelyn Tabangcura-Domenden