4 mangingisda nasagip sa lumubog na bangka sa Ilocos Sur

4 mangingisda nasagip sa lumubog na bangka sa Ilocos Sur

December 7, 2022 @ 11:47 AM 2 months ago


ILOCOS SUR-Masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang apat na sakay ng lumubog na bangka sa dagat malapit sa Sitio Punta, Brgy. Cabittaogan, Sta. Catalina ng lalawigang ito kagabi.

Kinilala ng Sta. Catalina Municipal Police Station ang apat na nasagip na sina Joel Tumakin y Calimpon, 53, may asawa; Ricky Eludo y Pueblos, 51, may asawa; Jaime Servantes y Mapula, 47, may asawa; at Ernesto Balono y Lumibot, 28, walang asawa; pawang mga diver, empleyado ng FES Challenger Salvour and Builder at mga residente ng Brgy. Baseco, Port Area, Manila.

Ang Bangka ay umalis galing ng Navotas/Malabon papunta ng Sta. Anna, Cagayan noong umaga ng December 2, 2022.

Nabatid na dahil sa mga naglalakihang mga alon na tumama sa kanilang bangka lumubog ito sa dagat sa layong 30 meters mula sa shoreline ng Sitio Punta.

Nagawang makaligtas ng apat na crew matapos silang lumangoy papuntang dalampasigan.

Ang mga biktima ay dinala sa RHU-Sta. Catalina ng mga rumesponding miyembro ng Sta. Catalina Municipal Police Station, MDRRMO, Coastguard, at Maritime. Rolando S. Gamoso