4 miyembro ng pamilya, patay sa trak

4 miyembro ng pamilya, patay sa trak

January 10, 2023 @ 11:04 AM 2 weeks ago


TACLOBAN CITY — KAAWA-AWA ang sinapit ng apat na miyembro ng pamilya matapos mahagip ng humaharurot an trak ang sinasakyan nilang motorsiklo, noong Linggo sa bayan ng Biliran.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jimmy Agosto, misis nitong si Soledad, at mga menor de edad na anak na sina Jameson at Jonalyn, lahat ay residente ng Sitio Tan-ag, Barangay Maurang, Caibiran.

Nakakulong naman sa lock-up facility ng Caibiran Municipal Police Station ang suspek at driver ng truck na kinilalang si Benigno Garcia Orbiso, 31 anyos at residente ng South Atay, Brgy. Cabibihan, Caibiran.

Batay sa report ng pulisya, dakong 6:20 PM ng maganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Barangay Maurang.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Jimmy ang motorsiklo angkas ang kanyang mag-iina at pauwi na sana ang mga ito sa kanilang tahanan ng biglang mag-overtake si Orbiso .

Sa bilis ng patakbo ng suspek nahagip nito ang mga biktima at tumilapon sa kalsada habang wasak ang kanilang motorsiklo.

Nagawa pang isugod sa Biliran Provincial Hospital ang mga biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ang mga ito ng hininga.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nadiskubre na lango sa nakalalasing na alak ang suspek habang nagmamaneho.

Nahaharap ngayon sa patung-patong na kasong homicide ang suspek./Mary Anne Sapico