4 na bagong identified drug personalities, tiklo sa Malabon buy bust

4 na bagong identified drug personalities, tiklo sa Malabon buy bust

December 12, 2022 @ 3:05 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isinelda ang apat na bagong identified drug personalities matapos maaresto ng mga pulis sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, dakong alas-2:40 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Paradise Village corner P. Aquino, Brgy. Tonsuya.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Anthony Dable alyas “Baba”, 33 at Jordan Colibao, 24, matapos bintahan ng P300 halaga ng umano’y shabu ang isang undercover police poseur-buyer.

Ani PMSg Randy Billedo, nakuha sa mga suspek ang apat small heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 2.1 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P14,280, buy bust money at cellphone.

Nauna rito, dakong alas-11:30 ng gabi nang matimbog din ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa M.H Del Pilar corner Innocencia Street Brgy. Tugatog si Ramon Zuella alyas “Oca”, 71, at Ronilo Miraflores alyas “Marco”, 41, kapwa ng 100 Heroes Del 96 Brgy. 73, Caloocan City.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 1.5 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P10,200 at P300 buy bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura