Cebu City – Lumalabas sa imbestigasyon na isa ang ama sa anim na suspek sa pagdukot at rape sa apat na buwang sanggol sa Barangay Perrelos sa Carcar City.
Inamin ni PO3 Camia Codo ng Carcar City Police Station Women’s Desk, na nahihirapan sila ngayong hanapin ang suspek dahil sa kawalan ng eyewitness.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na nakuha ang sanggol ng Miyerkoles ng madaling araw habang natutulog ang ina nito sa kanilang bahay na tanging kurtina lang ang nagsisilbing pintuan.
Tulog din umano ang ama sa isa pang kwarto kasama ang iba pa nitong mga anak.
Natagpuan ang duguang sanggol sa niyugan 100 metro mula sa kanilang tahanan habang isang metro naman mula dito ay narekober ang isang diaper nito at isang bote ng lambanog.
Nakita ito matapos na marinig ng malayong kamag-anak nito ang iyak ng sanggol sa lugar.
Kinumpirma naman ng mga doktor na na-rape ang bata dahil sa nakitang lacerations o sugat sa pribadong parte ng katawan ng bata dahilan ng pagdurugo.
Pero dagdag pa ng mga ito, wala nang narekober na semen .
Sa ngayon ay patuloy pang nagpapagaling ang sanggol sa isang ospital sa Cebu City.
Samantala, napag-alaman din na halos lahat ng kanilang suspek ay drug surrenders maliban sa ama.
“We are doing everything we can and we will not stop until the culprit is caught,” dagdag pa ni Codo. (Remate News Team)