4 na dayuhang wanted pauuwiin ng BI

4 na dayuhang wanted pauuwiin ng BI

November 10, 2022 @ 3:52 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang ipatapon pabalik sa kanilang bansa ang apat na dayuhang inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na pawang mga wanted dahil sa kasong kanilang kinakaharap sa kanilang bansa.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang apat na dayuhan na ipadedeport ay inilagay na rin sa blacklist para hindi na makabalik sa bansa makaraang maaresto sa magkakahiwalay na lugar sa Pampanga, Catanduanes at Metro Manila.

Kabilang sa mga inaresto ay dalawang Koreans, isang American at Dutch national na pawang nakadetine na sa detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Si Kim Won, 34, isang Korean national ay inaresto sa Clark Pampanga, na may warrant of arrest mula sa Dongbu district court sa Seoul na nahaharap sa telecommunications fraud.

Naaresto naman sa loob ng kanyang condominium unit sa Taguig City si Kim Girok, 29, isang Korean national na may warrant of arrest mula sa Daegu district court dahil sa pagpapatakbo nito ng prostitution racket at human trafficking scheme sa pamamagitan Internet.

Sa Virac, Catanduanes naman naaresto ang Dutch national na si Jan Cornelis Stuurman, 71 dahil sa pagiging overstaying at pinaghihinalaang isang pedopilya.

Nahaharap naman sa Fraud at laundering money instrument sa kanilang bansa si Steven Vernon Cross, 51, isang American national.

Bukod dito, nahatulan din si Cross sa korte sa Kent County, Michigan dahil sa pang-aabuso sa isang bata.

Ang apat ay kabilang sa 130 na mga wanted na dayuhan na naaresto ng fugitive search unit (FSU0 ng BI mula Enero hanggang Oktubre ng taon kasalukuyan.

“They are undesirable aliens whose continued presence here poses a serious threat to public interest,” ayon kay Tansingco.

“Hence they were arrested and will be immediately deported as undesirable aliens,” dagdag pa nito. JAY Reyes