4 na lalaki todas sa pagtoma ng alak na may lason

4 na lalaki todas sa pagtoma ng alak na may lason

July 4, 2018 @ 4:25 PM 4 years ago


 

Camarines Sur – Apat na kalalakihan ang ini-ulat na nasawi makaraan umanong makainom ng alak na may nakalalasong kemikal sa Barangay Santa Maria, Iriga City, Camarines Sur kamakalawa.

Pansamantala munang hindi pinabanggit ng pulisya ang pangalan ng mga biktima dahil sa patuloy pa ang pagsisiyasat at kumpirmasyon sa insidente.

Ayon kay SPO1 Glenn Loquias, tagapagsalita ng Iriga City police, bago ang insidente ay may isang lalaking engineer ang dumating sa nasabing barangay mula sa Quezon City at nag-alok ng mga dala nitong produktong inumin na alak.

Kasunod nito ay ang pakikipag-inuman umano ng suspek na nakilala sa pangalang Engr. Castillo sa apat na residente ng nasabing barangay kung saan ang dala nitong alak ang ininom ng mga biktima.

Kinumpirma rin ng imbestigador na kahapon ng umaga nang makatanggap sila ng impormasyon na isa nanaman sa mga nakainuman ng nasabing inhinyero ang binawian ng buhay.

Dinala na sa Food and Drugs Administration (FDA) Bicol office ang nasabing alak na ininom ng mga biktima para malaman kung anong substance ang inilagay sa nasabing produkto na nagresulta sa pagkamatay ng mga ito.

Kasabay din ang paglunsad ng manhunt operation ng pulisya laban sa nasabing suspek. (Jeff Gallos)