4 na miyembro ng armadong grupo, sumuko

4 na miyembro ng armadong grupo, sumuko

March 17, 2023 @ 12:12 PM 1 week ago


LANAO DEL SUR – Sumuko sa mga awtoridad ang apat na kasapi ng armadong grupo bitbit ang matataas nilang armas, kamakalawa ng umaga, Marso 15 sa probinsyang ito.

Kinilala ni Col. Richard Verceles, operations chief of the Area Police Command-Western Mindanao, ang mga sumuko na sina Salaoden Pansar; Maradi Pansar; Moctar Masorong; at Alinader Maricor, lahat ay miyembro ng potential private armed group (PPAG) sa ilalim ng Pansar Group.

Ayon kay Verceles, bandang 9:21 ng umaga noong Miyerkules nang sumuko ang apat sa Barangay Bayabao, bayan ng Butig sa nasabing lalawigan.

Isinuko rin ng apat ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng .50-caliber Barrett sniper rifle, 5.56-mm rifle, .45-caliber pistol, .38-caliber revolver at mga bala.

Matiwasay na sumuko ang grupo sa mga operatiba ng Lanao del Sur Police Provincial Office, Regional Mobile Force Battalion-14 at Butig police station.

Dagdag pa ni Verceles, pinalaya ang apat na sumuko na nasa maayos na kondisyon at kailangan lamang nilang mag-report sa himpilan ng Butig Police Station para sa patuloy na pagsubaybay. Mary Anne Sapico