4 nawawala, 4 nasagip sa magkakahiwalay na trahedya sa dagat sa Cebu

4 nawawala, 4 nasagip sa magkakahiwalay na trahedya sa dagat sa Cebu

December 24, 2022 @ 3:49 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpapatuloy na ang magkakatuwang na search and rescue operations upang matunton ang apat na crew members ng isang fishing banca na nawawala simula pa nitong Biyernes ng gabi, Disyembre 23 habang bumibyahe mula Kinatarcan Island sa Sta. Fe, Cebu patungong Daanbantayan ng kaparehong probinsya.

Ayon sa Philippine Coast Guard District Central Visayas (PCGDCV), ang mga nawawalang mangingisda ay kinilalang sina Gilbert Pepito, 37; Gaspar Yassi, 45; Louie Lubitos, 34, at Redol Yassi, 42.

Samantala, apat na indibidwal naman ang mapalad na nakaligtas sa lumubog din na motor banca Biyernes ng gabi, Disyembre 23 habang nasa dagat na sakop ng Sitio Bantigue, Barangay Tingo sa Olango Island.

Sa impormasyon, ang grupo ay nagmula sa Hingotanan islet sa Bohol at patungo sana sa Barangay San Vicente sa Olango Island upang maghatid ng isda.

Hindi pa naibibigay ang impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga nakaligtas. RNT/JGC