4 NCR drugstore maglulunsad ng COVID vaccination bukas

4 NCR drugstore maglulunsad ng COVID vaccination bukas

January 19, 2022 @ 2:23 PM 7 months ago


Manila, Philippines – Palalawigin pa ang  COVID-19 vaccination drive sa drugstores at mga klinika.

Sisimulan ito sa apat na establisimyento sa Metro Manila bukas, Enero 20.

Ayon kay Presidential Adviser for COVID-19 Response Vince Dizon, booster jabs lamang ang iaaalok ng mga sumusunod na lugar:

  • Generika Drugstore, Signal 1 sa Taguig

  • Mercury Drug Malate, Pres. Quirino Avenue

  • Southstar SSD Marikina, Bayan-Bayanihan Avenue

  • Watsons, SM Supertcenter Pasig

Lalahok din sa pilot run ang Healthway Adriatico Tower, Qualimed McKinley, at The Generics Pharmacy sa Sun Valley, Marikina.

“Simula muna dito sa NCR. Pero mabilis nating ie-expand ‘yan sa iba’t ibang lugar, lalo na sa malalaking siyudad sa buong bansa.”

“Later on, pati sa iba’t ibang probinsya ie-expand na natin itong programang ito. Mabilis po ito, siguro mga ilang linggo lang ang bibilangin natin, mapapalawak na natin ito sa buong bansa,” dagdag ni Dizon.

Magiging limitado naman ito sa adults at kakailanganin mag-pre-register online o mag-walkin at magparehistro onsite.

“Ang layunin nito ay talagang mailapit pa natin lalo ang ating pagbabakuna sa ating mga kababayan.”

“Papalawakin naman natin ito. Kailangan lang siyempre may kasamang pag-iingat at susubukan muna natin ang sistema sa mga botika dahil unang beses nating gagawin ito,” paliwanag pa ni Dizon.

Samantala, target din na magkaroon ng isa pang  “Bayanihan, Bakunahan” sa mga susunod na linggo.

“Hinihintay lang po nating medyo humupa nang kaunti itong omicron surge natin dahil alam naman po nating hirap na hirap po ang ating mga health workers, ang ating mga LGU ngayon.” RNT/FGDC