4 NPA tigok sa engkwentro

4 NPA tigok sa engkwentro

July 7, 2022 @ 11:44 AM 1 month ago


NEGROS OCCIDENTAL- PATAY ang apat na miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makaengkwentro ang militar Miyerkules sa bayan ng Binalbagan.

Ayon kay Lt. Col. Van Donald Almonte, commander ng 94th Infantry Battalion (94IB), dakong 9:00 AM naganap ang engkwentro sa Sitio Amilis Barangay Santol ng nasabing bayan.

Batay sa report nakatanggap ng impormasyon ang militar hinggil sa pangingikil ng nasa 14 na NPA sa nasabing lugar.

Sa pagresponde ng tropa ng pamahalaan sa nabanggit na lugar agad silang sinalubong ng mga putok ng baril ng mga rebelde na nauwi  sa engkuwentro.

Tinamaan ang apat na NPA na kinabibilangan ng isang babae at 3 lalaki na agad nilang ikinasawi habang mabilis naman tumakas ang kanilang mga kasama.

Nakuha sa lugar ng pinangyarihan ng bakbakan ang isang M16 na may M203, M16, M14, kalibre .45 , mga subersibong  dokumento, at personal na kagamitan.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang hot pursuit operations ng tropa ng pamahalaan laban sa rebeldeng grupo habang inaalam na ang mga pagkakakilanlan ng mga namatay.

Sinabi ni Almonte na ang mga rebeldeng nakaengkwentro

ay sangkot sa naganap na pananambang sa tauhan ng Binalbagan Municipal Police Station sa Barangay Bi-ao noong buwan ng Pebrero.

Dalawang pulis ang naiulat na nasugatan dahil sa sumabog na anti-personnel mine na itinanim ng rebeldeng grupo sa gilid ng kalsada./Mary Anne Sapico