4 obrero patay, 31 sugatan sa tumalon na dump truck

4 obrero patay, 31 sugatan sa tumalon na dump truck

March 5, 2023 @ 10:44 AM 3 weeks ago


AGUILAR, Pangasinan- PATAY ang apat na construction worker habang 31 ang sugatan matapos mahulo sa burol ang sinasakyan nilang dump truck na nawalan umano ng preno, kamakalawa ng gabi sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Pedro Bravejos, 57, may-asawa, construction worker, residente ng Poblacion, Gualberto Cave, 47, may-asawa, residente ng Brgy. Pogomboa, Leo Gamueda, 64,may-asawa, construction worker, residente ng Brgy. Tampac, lahat sa bayan ng Aguilar, Pangasinan at Wilson Garcia Lazaro, 48, may-asawa, construction worker ng San Miguel Bulacan.

Batay sa report ng Aguilar Police Station, dakong 6:00 PM noong Huwebes ng maganap ang insidente sa may ginagawang kalsada na sakop ng Sitio Mapita, Brgy. Laoag, Aguilar, Pangasinan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Erames ang kulay puting mini dump truck-NCE 1539 na pag-aari ng isang Cardon Cabangon, ng 888 Construction service at binabaybay ang nasabing kalsada ng bigla na lamang umanong mawalan ito ng preno.

Dahil sa maburol ang dinadaanan ng mga biktima at overloading na rin ang truck bumangga ito sa gilid ng burol.

Sa lakas ng pagkabulusok tumilapon ang mga biktima sa burol at nagtamong ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang apat naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Nangako naman ang pamunuan ng construction service na magbibigay ng tulong pinansyal sa mga biktima./Mary Anne Sapico