4 pasahero ng bumagsak na Cessna plane sa Mayon, patay na!

4 pasahero ng bumagsak na Cessna plane sa Mayon, patay na!

February 23, 2023 @ 7:17 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Patay ang lahat ng pasahero ng bumagsak na Cessna 340 na eroplano na natagpuan malapit sa bunganga ng Bulkang Mayon, kinumpirma ni Camalig Mayor Carlos Irwin Baldo nitong Huwebes.

“Hindi na po search and rescue. Retrieval na po ang operation ngayon kasi napuntahan na kahapon yung mga sakay ng eroplano. Wala na po talagang buhay. Nandun po yung apat na pasahero natin,” anang alkalde sa interbyu sa TeleRadyo.

Sinabi ng alkalde na nahirapan ang isang retrieval team na makarating sa crash site, na matatagpuan sa elevation na 3,500 hanggang 4,000 feet sa west side slope ng Mayon, dahil sa makipot na lupain ng bulkan.

“Challenge pa sa atin kung paano ibababa ang mga pasahero ng eroplano,” dagdag pa ng alkalde.

Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Martes na ang wreckage na natagpuan malapit sa bunganga ng Bulkang Mayon ay ang Cessna 340 plane na nawala sa Bicol noong weekend.

Nauna nang sinabi ni Apolonio na sa kabila ng 2 Cessna planes na nawawala sa Bicol at Isabela simula noong Enero, walang dahilan para suspendihin ang kanilang operasyon sa bansa.

Binanggit din niya na isinasagawa ang pagsisiyasat kung bakit natagpuan ang nahulog na Cessna plane sa mga dalisdis ng Mayon, dahil ang bulkan ay itinuturing na no-fly zone. RNT