4 patay, 7 nawawala kay Dante — NDRRMC

4 patay, 7 nawawala kay Dante — NDRRMC

June 3, 2021 @ 1:40 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa apat ang nasawi habang pito ang nawawala sa bagsik ni Tropical Storm Dante, ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council’s (NDRRMC).

Naitala ang mga nasawi sa Mimaropa, Western Visayas, Eastern Visayas, Davao, at Soccsksargen regions, dagdag pa ng NDRRMC.

Isa sa mga nasawi ay isang taong gulang na bata na hindi nakahinga dahil sa putik at debris sa Panoraon, Davao de Oro.

Isang 71 anyos din ang nasawi sa rumaragasang baha sa Malalag, Davao del Sur.

Patay din ang isang 14 anyos na babae sa Norala, South Cotabato. Hindi pa alam ang sanhi.

Naidagdag naman sa nasawi ang 55 anyos na lalaki sa Norala. Narekober ang katawan niya nitong Miyerkoles.

Samantala, apat na mangingisda naman mula Capiz ang nawawala matapos na mangisda sa kabila ng masamang panahon.

Ang dalawang nawawala ay mula sa Calubian, Leyte na tinangay umano ng rumaragasang baha, habang ang isang nawawala ay mula sa Daco, Davao de Oro.

Ayon sa NDRMMC, tuloy ang isinasagawang search and rescue operation para sa mga nawawala.

Umabot naman sa 45,456 indibdwal o 9,831 pamilya ang anapektuhan ng bagyo sa 89 barangay sa Davao, Soccsksargen, at Caraga regions.

Sa bilang na ito 12,071 indibdwal o 3,090 pamilya ang tumutuloy sa 104 na evacuation centers.

Sa Davao de Oro, anim na kabahayan ang nasira.

Umabot din sa 11 daan at 3 tulay ang nasapul sa Cental Visayas, Eastern Visayas, Davao, Soccsksargen at Caraga regions. Dalawa sa tatlong tulay ang hindi pa madaanan. RNT