4 patay sa kasalan

4 patay sa kasalan

November 9, 2022 @ 10:37 AM 3 weeks ago


LAMITA CITY- NAUWI sa madugong trahedya ang naganap na kasalan matapos paulanan ng bala ng baril ng hindi pa kilalang mga suspek na ikinasawi ng apat kahapon ng madaling-araw sa probinsya ng Basilan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Gappal Mustapa Pagil; Ardayan Dammang Amoto, 16, kapwa residente sa Barangay Baas at isang alyas Tarzan, na kilalang tagasunod ng Abu Sayyaf sub-leader Abaas Jangkatan.

Ayon kay Lamitan City Police chief Col. Arlan Delumpines, sangkot si Tarzan sa naganap na engkwentro noong September 15, na ikinamatay ng tatlong sundalo ng 18th Infantry Battalion sa Magcawa village, Al Barka, Basilan.

Habang ang pang-apat na bangkay ay tumangging pangalanan ng kaanak dahil sa gagawin imbestigasyon ng pulisya at sugatan naman ang isang Muafiz S. Tamudjul, 18, ng Ungkayapukan.

Sa report ng Lamitan City Police Station, bandang 3:00 AM himbing na natutulog ang apat na biktima ng bigla lamang dumating ang mga suspek na armado ng matataas na kalibre na baril at pinagbabaril ang mga ito.

Sinabi ni Delumpines na ang mga nasawi ay bisita ni Jaida Amunah Mukaddani, isa sa mga magulang ng bagong kasal.

Nagpasyang matulog na lamang ang ilang mga bisita sa lugar kung saan ginanap ang seremonya ng kasal dahil hatinggabi na natapos ang selebrasyon.

Nagtamo ng mga tama sa ulo at iba pang parte ng katawan ang mga biktima na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot silang higit sa 16 na basyo ng 5.56 mm caliber at isang M16 baby armalite na 29 na bala.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran ikadarakip sa mga ito./Mary Anne Sapico