4 patay sa leptospirosis sa Davao Region

4 patay sa leptospirosis sa Davao Region

April 20, 2022 @ 4:43 PM 2 months ago


NAKAPAGTALA ang Department of Health ng apat na kaso ng pagkamatay sa Davao Region dahil sa leptospirosis.

Base sa datos, naitala ang apat na death cases mula noong Enero 1 hanggang Abril 2, 2022.

Dalawa rito ay naitala sa Davao del Norte habang tig-isa sa Davao City at Davao Occidental.

Ayon sa DOH, ang naturang death toll ay mas mataas kumpara sa isa lamang na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.

Gayunman, mula sa 35 na kaso ng leptospirosis noong Enero hanggang Abril 2021 ay bumaba ito sa 25 ngayong taon.

Pawang mga kalalakihan ang tinamaan ng sakit na nasa edad 11 hanggang 68.

Ayon kay DOH Davao assistant regional director Dr. Gerna Manatad, ang mataas na death toll ngayong taon ay bunsod ng mga nagdaang bagyo na nagdulot ng pagbaha sa Davao region.

Ang Leptospirosis ay nakukuha dahil sa pagpasok ng leptospira bacteria sa mga sugat na nabababad sa baha, vegetation, o mga basing lupa na kontaminado ng ihi ng hayop lalo na ng daga.

Kabilang sa sintomas nito ay lagnat, muscle pain, pananakit ng ulo, pamumula ng mga mata at iba pa.

Inaabisuhan naman ng DOH ang publiko na iwasang lumusong sa baha, gumamit ng bota at puksain ang mga daga sa bahay. RNT/ JCM