4 patay sa pamamaril sa dalawang paaralan sa Brazil

4 patay sa pamamaril sa dalawang paaralan sa Brazil

November 27, 2022 @ 3:35 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa apat ang patay sa nangyaring pamamaril sa dalawang paaralan sa Brazil.

Ito ang sinabi ng mga awtoridad mula sa lungsod ng Aracruz, Espirito Santo samantala nasa 10 naman ang sugatan kabilang ang tatlong guro at estudyante.

Matatandaan na noong Biyernes, Nobyembre 25 ay walang habas na namaril ang isang 16-anyos na lalaki na nakasuot ng damit na may simbolo ng Nazi.

Inaresto ng mga awtoridad ang hinihinalang shooter matapos ang ikinasang manhunt laban dito.

“Unfortunately, the tragedy of Aracruz has not yet ended,” sinabi ni Governor Renato Casagrande nitong Sabado, Nobyembre 26.

“With deep regret we confirm the death of another victim, teacher Flavia Amboss Mercon,” dagdag pa ng gobernador.

Dahil dito ay idineklara ang tatlong araw na pagluluksa sa buong Espirito Santo.

Sa ulat, unang pinuntahan ng namaril ang pampublikong paaralan kung saan ito nag-aral kung saan walang habas itong namaril at nakapatay ng dalawa katao samantala nasaktan naman ang siyam na iba pa.

Nagtungo naman ito sa kalapit na pribadong paaralan kung saan napatay naman nito ang isang batang babae.

Ang nangyaring pag-atake ay ika-12 na sa mga paaralan na sangkot sa shooting incident sa Brazil mula pa noong 2002.

Dahil dito ay naging maugong ang mga panawagan para sa gun policy reform. RNT/JGC