4 rehiyon sa Pinas may mataas na kaso ng dengue

4 rehiyon sa Pinas may mataas na kaso ng dengue

April 13, 2022 @ 9:04 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nakitaan ng pagtaas ng kaso ng dengue sa Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Western Visayas, at Davao regions, ayon sa isang opisyal ng health department.

Sa  media forum, nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mga partikular na lugar at probinsya lamang ang naapektuhan ng pagtaas ng kaso ng dengue at hindi ang buong apat na rehiyon.

“Dun sa Zamboanga City, dun natin nakita lumagpas sa epidemic threshold ‘yung bilang ng mga kaso. That’s why the local government declared an outbreak,” pahayag ni Vergeire.

Gayunpaman, ang lingguhang naiulat na mga kaso noong 2022 ay mas mababa pa rin kaysa sa “mga kaso na mayroon  noong 2021 sa buong bansa.”

Paalala ni Vergeire, kailangan na masusing linisin ang mga kapaligiran, tahanan, public spaces para mawala ang aedes aegypti o lamok na nagdudulot ng dengue.

Upang tulungan ang mga pasyente ng dengue, ang DOH ay nag-activate ng mga Fast Lanes sa mga ospital, nag-preposisyon ng logistical para sa mga pangangailangan ng rehiyonal at lokal na pamahalaan, tulad ng mga kemikal na ginagamit upang maiwasan ang pagkalat ng mga lamok na ito, at pinayuhan ang mga lokal na pamahalaan tungkol sa diskarte sa 4S.

Ang 4S strategy ay tumutukoy sa  “search and destroy mosquito-breeding sites; self-protection measures; seek early consultation of symptoms; at support spraying o fogging” upang maiwasan ang outbreak. Jocelyn Tabangcura-Domenden